151

Nov 5, 2017 @ 15:59

Espesyal na dasal, iaalay sa mga Kristiyanong nagigipit

Mag-aalay ngayong Lunes, November 6, ng natatanging panalangin ang mga Simbahang Katoliko sa Pilipinas para sa mga proteksyon ng mga Kristiyano na nakakaranas ng panggigipit sa iba’t ibang panig ng mundo.

Ayon sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), inaasahang ang mga parokya sa buong bansa ay magdaraos ng “Votive Mass,” isang uri ng Eucharistic celebration na laan para sa natatanging layunin.

Nauna nang idineklara ng CBCP ang November 6, araw ng Lunes, bilang National Day of Prayer for Persecuted Christians.

Tinukoy ng Aid to the Church in Need (ACN) Philippines na hindi na mabilang ang mga insidente ng panggigipit na dinaranas ng mga Kristiyano sa mundo.

“Persecution of Christians in the world is worse than at any time in history,” ang nakasaad sa ulat na pinamagatang “Persecuted and Forgotten” na ginawa ng ACN sa United Kingdom.

Dagdag pa sa nasabing ulat, ang mga Kristiyano ang dumaranas rin ng pinakamalupit na uri ng panggigipit.

Laganap umano ang ganitong insidente sa mga bansa na aktibo ang presensya ng mga fundamentalist group gaya ng Daesh o ISIS sa Gitnang Silangang Asya at Boko Haram sa Africa.

Kagaya na lamang umano sa Iraq kung saan 120-libong katao ang nawalan ng bahay matapos na wasakin ng ISIS ang 13-libong bahay sa Nineveh.

“The exodus of Christians is so severe [in Iraq] that one of the world’s most ancient Christian community is on course to disappear within three years unless there is a dramatic change for the better,” batay sa ulat ng ACN.

Kaugnay nito, magdaraos ng Votive Mass ang Ateneo de Manila Grade School ngayong Lunes ng umaga, habang ang ACN Philippines naman ay magsasagawa rin ng kaparehong misa sa CBCP Chapel sa Intramuros,  Maynila. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?