367

By

Escudero umalma sa ‘yabang’ ng Con-Com

Sharing is caring!

Pumalag si Senador Chiz Escudero sa pagpapabitiw ng ilang kasapi ng Consultative Committee (Con-Com) sa economic managers ng Malacañang na nag-alangan sa binuo nilang federal constitution.

“Nagulat ako sa pahayag ng isang miyembro ng Consultative Committee na hinihingi ang pagbibitiw ng economic managers dahil ano ba ang tingin nila sa sarili nila at sa dokumento (federal constitution)? Perpekto ‘yung nagawa nila?” sabi ni Escudero sa panayam ng Super Radyo DZBB.

“Ganun ba sila kagagaling? Sila lang ang nag-aangkin ng talino na ang sinulat at ginawa nila’y hindi puwedeng mabago? Hindi naman po siguro,” dagdag ni Escudero.

Tinutukoy si Fr. Ranhilio Aquino, dean ng San Beda College of Law, na nanawagan sa pagbibitiw nina Finance Secretary Carlos Dominguez III at Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia matapos nilang ihayag sa Senado ang kanilang pag-aalangan sa federalism dahil sa malaking gagastusin dito.

Sinabi ni Escudero na hindi dapat sarado ang isip ng mga kasapi ng Con-Com sa mga puna at kritisismo sa binalangkas nilang federal constitution.

“Yang ginawang dokumento ng Consultative Committee, hindi naman po perpektong dokumento. Hindi pa rin final kaya bakit nga sila nag-i-information dissemination eh puwede pang baguhin, baligtarin, at i-overhaul completely ‘yan,” dagdag ni Escudero.

Nagpaalala ito na hindi dapat minamadali ang pagpapabago ng sistema ng gobyerno.

Idiniin na hindi minamadali ang paliligo, pagkain at paglalakad at gayundin dapat ang pagpapaamyenda sa Konstitusyon para sa pederalismo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?