254

Dec 4, 2021 @ 20:51
By

Escudero: NPC wala pang ‘manok’ sa 2022 elections

Nilinaw ni senatorial aspirant at Sorsogon Gov. Chiz Escudero ngayong Sabado na wala pang ineendorsong kandidato sa pagkapangulo at bise presidente ang partidong Nationalist People’s Coalition (NPC).

Paglilinaw ni Escudero, sa Marso o Abril bago ang halalan karaniwang nag-eendorso ng kandidato ang NPC.

“Wala pang ganu’ng pasya ang NPC. Nakausap ko lang sila mga one month ago, ‘yung ilang opisyal ng NPC, wala pa silang pormal at opisyal na desisyon kung sino ang susuportahan,” pahayag ni Escudero sa panayam ng DWIZ.

“Bagaman, hindi man maikakaila na miyembro ng partido si Senate President Sotto pero ang pag-anunsyo ng NPC, usually ginagawa ‘yan ng Marso o Abril,” dagdag pa ni Escudero.

Si Sotto na miyembro ng NPC ay tumatakbong bise presidente sa likod ni presidential aspirant Senador Panfilo Lacson.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?