197

Jul 5, 2022 @ 13:58
By

Erwin Tulfo hahabulin mga amang hindi nagsusustento sa anak

Ipinahayag ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo na pananagutin ng DSWD ang mga amang hindi nagsusustento sa mga anak.

“Isa ‘yung mga single parents na nagkakaproblema na ‘yung bastardo nilang ex, yung bastardo na mga ama ng kanilang mga anak, ayaw magsustento. Susulatan ng DSWD, kasi wala silang malapitan ngayon,” aniya.

Susulatan umano ng liham ang mga ito o kung hindi man ay sasampahan ng kaso laban sa mga amang ayaw magsustento.

“I will encourage them to come to the DSWD, we will help them out. We will write letters. If not, we will file cases against the father of the children para mag-sustento because it is under the law now,” saad pa ni Tulfo.

Kahit hindi kasal ay mananagot pa rin ang ama ng bata basta nasa birth certificate ang pangalan nito.

“Marami pong hindi nakakaalam, akala nila dahil hindi sila kasal pero andun yung pangalan sa birth certificate ay libre sila. Mali po yun. You have to pay o ika nga sustentuhan mo yung anak kahit di kayo kasal o kahit na-impregnate mo lang ‘yung babae pero andun sa birth certificate yung name mo. You have to pay ika nga sustento to your child,” dagdag nito.

Posibleng makulong ng hindi bababa sa anim na buwan hanggang anim na taon sakaling mahatulang nagkasala.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?