89

Apr 23, 2018 @ 10:51
By

Palasyo hindi apektado sa US State Dep’t report sa EJK

Hindi nababahala ang Malacañang sa inilabas na report ng United States Department na ang extra judicial killings pa rin ang nangungunang human rights concern sa Pilipinas para sa taong 2017.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi prayoridad ni US President Donald Trump ang inilabas na report ng US State Department dahil siya mismo ay humanga sa anti-drug war ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Bukod dito, tila aniya hindi nagkakaintindihan si Trump at ang pinuno ng State Department kaya niya sinibak ito.

“Hindi naman po kami nababahala diyan dahil alam naman natin ang samahan ng Presidenteng Duterte at Presidenteng Trump, malapit po ang kanilang samahan. Ang pulitika po nila ay hindi naman nagkakalayo ngayon. At sa tingin ko, hindi prayoridad naman ni President Trump iyong sinasabi ng State Department report. So sa amin, nandiyan iyan, hayaan mo iyan. Pero I doubt kung si President Trump talaga ay ipatutupad iyan,”ani Roque.

Mas mahalaga aniya kay Pangulong Duterte ang naging deklarasyon ni President Trump noong nagpunta sa Pilipinas na hinahangaan niya ang ginagawa ng Presidente para labanan ang problema sa illegal na droga.

“Parang taliwas itong State Department report doon sa sinabi ni Trump, at mas tinatanggap ni Presidente Duterte iyong naging salita ni President Trump,” dagdag ni Roque.

Batay sa inilabas na 2017 report ng US State Department, ang extra judicial killings pa rin ang nangungunang concern sa usapin ng human rights dahil mas tumaas ito matapos simulan ang anti-drug campaign noong 2016 at nagpatuloy hanggang 2017.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?