56
arrested
Oct 25, 2017 @ 11:19

Ermat bugbog-sarado sa anak na sundalo

Ilang ulit na sinuntok ng dating sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanyang nanay matapos umanong pauwiin ang una habang nakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan nitong Lunes ng hapon (Oktubre 23, 2017) sa Quezon City.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Chief Superintendent Guillermo Lorenzo T Eleazar , ang suspek na si ex-corporal  Bernard Valerio, 34-anyos, ng Philippine Army Scout Rangers at residente ng Block 7, Lot 10, Servant of Charity, Brgy., Pasong Tamo. Siya ay nadismis sa serbisyo sa hindi pa malamang kadahilanan noon taong 2012.

Sa imbestigasyon, nakaikipag-inuman umano ang dating sundalo sa kanyang mga kaibigan sa harap ng kanilang bahay, nang lumabas ang kanyang ina na nakilalang si Amelita at pilit na siyang pinapapasok dahil sa kalasingan.

Batay sa pahayag ng mga nakasaksi, sa halip na sumunod ay nagalit pa ito at dahil napahiya umano siya kinompronta at sinigaw-sigawan si Amelita.

Hindi pa umano ito nakuntento ay makailang ulit pa umanong sinuntok ang kanyang ina sa harap na kanyang mga kainuman.

Sa takot ng ina ay tumakbo ito papasok sa  kanilang bahay subalit sinudan pa siya nang nagwawalang anak.

Sumunod ang sundalo at nang makita ni Amelita na dumiretso ito  sa kanilang kusina at  kumuha ng kutsilyo ay agad siyang nagtago sa  kuwarto ng kanyang mister na matagal nang nasa banig ng karamdaman at  ikinandado ang tarangkahan ng pintuan.

Isang concerned citizen ang nakarinig sa komosyon sa loob ng tahanan ni Amelita, kaya ipinagbigay alam sa kanilang barangay officials ang pangyayari. Mabilis namang nagresponde ang mga barangay tanod at inaresto ang nasabing dating sundalo.

Ang-ex soldier ay nakapiit ngayon sa detention cell ng Quezon City Police District (QCPD) Talipapa Police Station habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?