1,368

Jan 5, 2021 @ 19:16
By

Eric Yap: Bakit pinakawalan anak ni Claire Dela Fuente na suspek sa rape-slay case?

Kinuwestiyon ni ACT-CIS Rep. Eric Yap ang kapulisan matapos makatanggap ng report na pinalaya umano si Gregorio Angelo de Guzman, isa sa mga suspek sa rape-slay case sa flight stewardess na si Christine Dacera.

Ayon kay Yap, dapat na dinetine muna sa presinto si De Guzman, na kinilalang anak ng singer na si Claire dela Fuente.

“Nabalitaan ko po na ‘yung anak ni dela Fuente, allegedly anak ni Claire dela Fuente ay pinakawalan po ata,” saad ni Yap sa programang ‘Maayong Adlaw Mindanao’ ng Politiko Live.

“Unang-una, hindi namin sinasabi na guilty na pero sila ay nahuli na kasama so dapat ‘to kung ang kaso ay rape at homicide, non-bailable po ‘yan hindi dapat pinapakawalan ‘yan,” aniya pa.

Kinokontak na umano ng mambabatas ang hepe ng National Capital Region Police Office chief Vicente Danao Jr. Makati police sa nangyari kay De Guzman.

Nagsalita naman ang suspek na si Gregorio sa pagkamatay ni Christine, kung saan depensa nito na isa siya sa nag-CPR sa flight stewardess at sinugod pa nila ito sa ospital nang makitang walang malay sa isang kwarto sa tinuluyang hotel.

Giit pa nito, imposibleng ginahasa niya ang flight stewardess dahil isa siyang bakla.

“Paano magiging rape? Bakla po ako. Never akong nakipagtalik sa babae,” giit ni De Guzman sa GMA News TV.

Ayon naman kay Dela Fuente, hindi totoong nagtago ang kanyang anak at nakikipagtulungan ito sa mga pulis.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?