62

Nov 9, 2017 @ 18:46
By

ERC, DOE kinalampag sa dagdag-singil sa kuryente

Kinuwestiyon ni Bayan Muna Partylist Representative Carlos Isagani Zarate ang taas-singil sa kuryente ng Meralco ngayong buwan.

Kinalampag din nito ang Energy Regulatory Commission (ERC) at Department of Energy (DOE) na dapat naman aniyang sinusuri munang mabuti ang ganitong hakbang ng Meralco sa halip na basta pinapayagan lang magtaas.

“Hindi katanggap-tanggap na halos kada gusto ng Meralco na magtaas ng presyo ng kuryente ay taga-anunsiyo na lang ang nangyayari sa ERC at ang Department of Energy,” ayon kay Zarate.

Base sa ulat, nasa 0.34 sentimo sa kada kwh ang dagdag-singil ngayon sa kuryente.

Ibig sabihin, ang mga kumukonsumo ng 200 kwh kada buwan ay may dagdag na P69 sa bill ng kanilang kuryente; sa 300 kwh ay may dagdag na P102, sa 400 kwh ay P136 at sa 500 kwh ay P170.

Isinisi naman ito ni Zarate sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) na nagbago ng sistema sa industriya ng kuryente kabilang ang pagsasapribado ng National Power Corporation.

“Ito talaga ang mahirap at malaking problema ng EPIRA na maski isang beses lang mag-red alert o yellow alert ang power reserves ay ganito na kalaki ang taas ng singil sa kuryente,” sabi ng kongresista.

Muling nagpaalala ang mambabatas sa ERC na dapat ang kapakanan ng consumers ang pinoprotektahan nito sa halip na pumanig sa Meralco.

“It is this apparent questionable relationship between the ERC and the Meralco that we are investigating the seven Power Supply Agreements that are apparently sweetheart deals that would tie consumers to pay P2 trillion for more than 20 years,” pahayag ni Zarate.

“We hope that we can complete this probe soon, and by junking these onerous deals we can protect the interest of our people,” dagdag pa ng mambabatas. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?