68

Dec 22, 2017 @ 16:23
By

ERC ‘di mapaparalisa sa suspension ng 4 commissioners – Palasyo

Tiniyak ng Malacañang na hindi makaaapekto sa operasyon ng Energy Regulatory Commission ang pagsuspinde ng Office of the Ombudsman ang apat sa Commissioners nito.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque na mayroon namang tumatayong Chairman ang ERC sa katauhan ni Agnes Devanadera kaya tuloy-tuloy ang araw na operasyon ng ahensiya.

Ang hindi lamang aniya magagawa ay makabuo ng mga desisyon at polisiya dahil wala ang mga commisisoners na kasama sa mga dapat magdesisyon sa mga mahahalagang bagay sa ahensiya.

“Iyong pang-araw-araw na trabaho ng Commission ay hindi malulumpo kasi iyong Chairman po na tumatayong Chief Executive Officer ay hindi naman po suspensido. So tuloy tuloy naman po ang pagganap ng tungkulin ng ERC, iyong mga pang-araw araw na bagay.

Pero pagdating doon sa polisiya, kailangan nagbobotohan. At dahil wala po ngayong Commission, hindi makakapagdesisyon ang ERC sa mga importanteng polisiya na dapat desisyunan,” ang pahayag ni Roque.

Pinag-aaralan na aniya ng Office of the Executive Secretary ang mga options para hindi maging inutil ang ERC.

Sinabi ni Roque na hindi papayag ang gobyerno na aabot ng isang taon na walang desisyon ang ERC sa mga dapat nitong aksiyonan kaya tiyak na gagawa ng hakbang ang OES para maibalik sa dati ang ahensiya. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?