63

Jun 19, 2018 @ 11:11

ERC at Meralco, may sabwatan – Zarate

Kasunod ng suspension order ng Ombudsman sa apat na commissioners ng Energy Regulatory Commision (ERC), mas tumibay daw ang basehan na may sabwatan ang Meralco at ERC.

Ayon kay Bayan Muna partylist Rep. Carlos Isagani Zarate, pinalakas din ng desisyon ng Ombudsman ang joint committee report ng Kamara na nararapat kasuhan sina ERC commissioners Alfredo Non, Gloria Victoria Yap Taruc, Josefina Patricia Asirit, at Geronimo Sta. Ana kaugnay ng pitong sweetheart deals sa Meralco-affiliated generation companies.

Sabi ni Zarate, malinaw ang “malfeasance, misfeasance at nonfeasance” sa panig ng mga opisyal.

“The Ombudsman’s new decision strengthens the joint committee report especially since these four (4) Commissioners and the company involved are one and the same. We cannot blame people from thinking that these ERC commissioners are colluding with Meralco to the detriment of consumers,” ani Zarate.

Binigyang diin ng kongresista na halatang-halata at hindi na maitatago ang katiwalian sa ERC.

“This is definitely more than a whiff of corruption. Sa totoo lang umaalingasaw na talaga ang anomalya at korapsyon sa ERC, na mas kinakampihan at tinatangkilik ang interests ng mga power oligarchs kasya sa interest ng mga consumers,” sabi ni Zarate.

Una nang sinuspinde ng Ombudsman ang apat na commissioners ng ERC pero pinigil ito ng Court of Appeals. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?