64

Oct 12, 2017 @ 15:00

Erap tinabla ang hipag na may kolorum na tow trucks

Ipinahuli kahapon ni Manila Mayor Joseph Estrada ang mga kolorum na tow trucks na pag-aari mismo ng nagpakilalang hipag niya.

Hindi umano naitago ni Estrada ang galit nang matanggap niya ang report na nag-o-operate sa lungsod  ang PMA Towing Services, Inc. , na pag-aari ng isang Alise Nogra, ng walang kaukulang permit.

“Walang kai-kaibigan, walang kama-kamag-anak sa akin pag lumabag sa batas,” ani Estrada.

Dahil dito ay inatasan ni Estrada si Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) director Dennis Alcoreza na kasuhan ang towing firm ni Nogra at ipagpatuloy ang operasyon laban sa mga kolorum tow trucks na nambibiktima ng mga motorista sa lungsod.

Sa magkakasunod na operasyon sa Quirino Avenue at Osmena Highway noong Martes, in-impound ng mga operatiba ng MTPB ang tatlong tow truck ng PMA matapos magreklamo sa kanila ang isa sa mga biktima nito na sinisingil siya ng P11,500 ng PMA para mabawi ang na-tow niyang sasakyan.

Nang makausap ng MTPB si Nogra, sinabi nitong bayaw niya si Estrada at mayroon silang memorandum of agreement sa MTPB at RWM Towing, ang kaisa-isang accredited towing service sa Maynila, na umano’y nag-authorize sa kanila na mag-operate.

Itinanggi ito ni Alcoreza,at sa katunayan ay ilang beses na aniyang nahuli ang PMA Towing Services, Inc.

Noong Marso 2015, binawi ng lokal na pamahalaan ang business permit at accreditation ng PMA dahil sa dami ng reklamo laban dito.

Kamakailan lang ay inaresto ng Manila Police District ang isa sa mga driver nito matapos puwersahang batakin ang dalawang trak sa Pandacan; nakatakas ang dalawang kasamahan nito.

Ang suspek na nakilalang si Christian Gonzales, 37, ay kinasuhan ng paglabag sa Anti-Carnapping Law, Driving Without License, OR/CR, and license plates, at operating without business permit. (Ma. Isabel Billiones)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?