43

Oct 10, 2017 @ 11:20

Erap sa MPD: 35 suspek sa UST hazing case tugisin

Inatasan ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang Manila Police District (MPD) na agad hanapin at iharap sa korte ang 35 suspek na pinaniniwalaang nasa likod ng brutal na hazing na ikinamatay ni UST law student Horacio “Atio” Castillo III.

Pinaalalahanan din ni Estrada ang mga operatiba ng MPD na huwag bigyan ng special treatment ang sinuman sa mga suspek upang agad maresolba ang kaso at mabigyan ng hustisya ang pamilya ni Castillo.

“If there’s evidence, arrest them. Let them face the court and answer the charges,” pahayag ni Estrada matapos ang briefing na binigay ni MPD director Chief Supt. Joel Coronel hinggil sa kaso.

Sa isang panayam kahapon, sinabi ni Coronel na nakapagsampa na sila ng kaso sa 20 miyembro ng Aegis Juris fraternity at 15 iba pang hindi pa nakikilala.

“In the case we filed, there are several John Does and Jane Does, unidentified as of now. Aside from the 20 identified suspects, we have other John Does and Jane Does depending on the evidence,” ani Coronel.

Ang mga “Jane Does” aniya ay mga miyembro ng isang sorority na nasa frat library kung saan ginawa ang hazing.

“Based on the information we have they are still in the country except for one suspect,” ayon pa kay Coronel.

Kahapon, Lunes, ay nagprisinta ang MPD ng mga karagdagang ebidensya sa isinasagawang preliminary hearing ng Department of Justice (DOJ).

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?