572

May 14, 2019 @ 14:54
By

Erap nag-concede na kay Isko Moreno

Nag-concede na si dating Pangulo at outgoing Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada kay Isko Moreno bilang bagong alkalde ng lungsod.

Tinanggap na ni Estrada ang kanyang pagkatalo sa dati niyang bise alkalde dahil hanggang alas-12:00 ng hatinggabi noong Lunes ay malaki ang lamang ni Moreno kay Estrada.

Sa isang video ay mapapanood si Erap na nagsasalita sa harap ng kanyang mga tagasuporta para magpasalamat at tanggapin ang kanyang pagkatalo.

“We’ve done our best, I did my best, we have to accept. There is the saying that the voice of the people is the voice of God,” ani Estrada.

Nagpasalamat ang outgoing mayor sa kanyang mga tagasuporta at pinayuhan pa nito ang bagong alkalde na ituloy ang mga nagawa niyang maganda para sa Maynila.

Sa mahigit 90% boto, nakakuha si Moreno ng 329,108 boto laban sa 192,600 na boto ni Estrada habang ang dating alkalde na si Alfredo Lim ay nakakuha ng 127,126 na boto.

Ang limang iba pang kandidato ay nakakuha ng pinagsamang mga boto na 5,733.

Sa 977,465 rehistradong botante ng Maynila, 675,125 ang bumoto.

Base sa pinakahuling bilang, ang bise alkalde ni Moreno na si Honey Lacuna ang nangunguna laban kay dating Manila 5th District Rep. Amado Bagatsing, na running mate ni Estrada.

Si Lacuna ay nakakuha ng 360,045 boto, habang si Bagatsing ay may boto na 247,199.

Ang apat na kandidato ay nakakuha ng pinagsamang mga boto na 24,987.

Si Moreno, na dating bise alkalde ni Estrada sa panahon ng una nitong termino bilang local executive, ay nangako ng pagbabago, na aniya’y nabigo si Estrada na mabago ang Maynila sa dalawa nitong termino.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?