80

Dec 15, 2017 @ 10:35
By

Epekto ng tax reform package sa kuryente, bawasan

Hinamon ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian ang mga kapwa mambabatas na tulungan ang taumbayan na makaagapay sa inaasahang pagtaas ng presyo ng kuryente dahil sa epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN).

Ayon kay Gatchalian, bagama’t bumoto siya para sa ratification ng Bicameral committee report sa TRAIN, nananatili ang kanyang pagtutol sa coal tax provision.

Iginiit ng senador na aabot sa P13.2 bilyon ang dagdag na electricity cost ang posibleng ipapasa lamang sa consumers.

“Despite my affirmative vote, I would like to put on record that I still maintain my reservations regarding the massive increase in the excise tax on coal that has made it into the final version of the law for the President’s signature,” giit ni Gatchalian.

Sa inaprubahang bersyon ng TRAIN, magpapatupad ng hanggang P150 na excise tax sa bawat metric ton ng coal hanggang 2020.

Ipinaliwanag ng senador na dahil dito’y karagdagang P14.348 sa bawat 200 kwh ang babayaran ng mga household sa kuryente.

“This is equivalent to the price of half a kilogram of rice for 2.7 million households,” pahayag ni Gatchalian.

Ipinaalala ng mambabatas na sa ngayon ay hirap na ang taumbayan sa mataas na power rates subalit muli itong madaragdagan dahil sa TRAIN.

Ngayon pa lamang ay nagpahiwatig na si Gatchalian na babalangkas ng ibang mga panukala upang mabawasan ang bigat ng epekto nito sa taumbayan kasabay ng paghikayat sa mga mambabatas na suportahan ito. (Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?