12
rody-duterte
By

EO ni Duterte, para sa ‘endo’ lang – Palasyo

Sharing is caring!

Nilinaw ng Malacañang na para sa “555” o endo of contract ang executive order (EO) na ilalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga manggagawa sa pribadong sektor.

Ang paglilinaw ay ginawa ni Presidential Spokesman Harry Roque kasunod ng ulat na para ito sa contractualization.

Ayon kay Roque, ang EO ng Pangulo ay para sa “fly by night” na mga kumpanya na hindi umaabot sa anim na buwan ang kanilang mga empleyado.

“Lilinawin ko lang, ang pangako ng Presidente ay itigil itong 555 o endo, hindi ang contractualization. ‘Yung endo kasi talagang sisisantehin ka pagkatapos ng limang buwan o anim na buwan para hindi ka maging regular,” ani Roque.

Binigyang-diin ng kalihim na ang “endo” ay talagang ipinagbabawal ng batas, lalo na ‘yung mga “kabo” o mga walang kapital at ang papel ay maunsiyami ang employee-employer relationship.

Ang contractualization, ani Roque, ay mangangailangan ng pag-aksiyon sa Kongreso at mayroon nang naipasang batas sa mababang kapulungan at hinihintay na lamang ang bersiyon ng Senado.

Ang pagtuldok sa “endo” ay isa sa mga ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte noong panahon ng kampanya at hinihintay ng maraming arawang manggagawa na matupad.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?