251

Oct 10, 2017 @ 10:49

Enrique Gil at Liza Soberano, MAG-ASAWA na

NAKAKALOKA talaga itong si Enrique Gil, dahil hindi pa man sila opisyal na magdyowa ni Liza Soberano, itinuturing na niyang kabiyak ng kanyang buhay ang aktres.

Hindi kasali si Liza sa presscon para sa lalabas na movie ni Enrique, ang Seven Sundays. Sina Aga Muhlach, Dingdong Dantes, Cristine Reyes at Ronaldo Valdez, ang mga co-stars ni Enrique, at sa direksyon ni Cathy Garcia-Molina.

Pero, hindi nga naiwasang hindi pag-usapan sa interview namin ang tungkol sa kanila ni Liza dahil ganadung-ganadong sumagot ang young actor sa mga tanong na may kaugnayan sa kanilang dalawa ni Liza.

Una, hindi itinanggi ni Enrique ang identical bracelets na suut-suot nila ni Liza. Proud pang sinabi ni Enrique na siya mismo ang nagbigay nun.

Kahit daw gustuhin niyang bigyan ng singsing si Liza, inuna lang daw niya ang bracelet.

Sabi ni Enrique, kahit hindi pa talaga silang dalawa ni Liza, feeling niya sila na ng aktres. Diin pa nga niya, para na silang mag-asawa ni Liza dahil ito raw ang nararamdaman ni Enrique sa pagmamahal niya kay Liza.

Ipinakilala na nga raw ni Enrique sa mga kaibigan niya si Liza bilang asawa niya para raw talaga kanyang-kanya na ang aktres.

Sey pa ni Enrique, si Liza na raw ang babaeng gusto niyang makasama habambuhay, at kung anuman daw meron silang dalawa ngayon, forever na raw ito at hindi na ito mawawala pa.

Hindi nga raw niya papayagang maligawan pa ng iba si Liza dahil sa kanya na ang akres, asawa na nga raw niya ang tawag dito.

Sa tanong kung parehas ba sila ng nararamdaman ni Liza na siya naman ang mister nito, sumagot naman si Enrique na “Oo,” sabay ngiti.

Willing naman si Enrique na maghintay sa kung kailan puwede silang maging opisyal na dalawa, at hindi raw siya magsasawang mahalin ang dalaga.

Parang nakalutang sa alapaap sa pag-ibig si Enrique habang nagsasalita siya tungkol sa feelings niya na ‘asawa’ na turing niya kay Liza.

Makikita ang paggu-glow ng mga mata ni Enrique na masasabing in love talaga ang aktor sa susunod na Darna.

Anyways, ngayong tapos na ang shooting ng kanilang pelikula, ilalaan na raw ni Enrique ang panahon niya kay Liza.

Samantala, isang rebelasyon si Enrique sa Seven Sundays, ayon mismo kay Direk Cathy. Pinakapaborito raw niya sa lahat ng eksena ay ‘yung nasa kuwarto lang ang aktor habang nag-e-emote.

Siningle out ni Direk Cathy ang eksena ni Enrique sa presscon na parang nawala sa isip niya na nasa tabi niya sina Dingdong at Aga. Bigla siyang kumambyo na may mga magagandang eksena rin na paborito niya sina Aga, Dingdong at Ronaldo Valdez.

Nakatulong siguro ang pagiging inspired ni Enrique kay Liza kaya hinuhusayan nito ang kanyang pagganap. (Rey Pumaloy)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?