By

Engkuwentro sa Abra, isang sundalo sugatan

Sharing is caring!

Sugatan ang isang sundalo habang hindi pa matukoy ng militar kung ilan ang sugatan o nasawi sa panig ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos na magkasagupa ang tropa ng 24th Infantry Batallion ng 5th Infantry Division ng Philippine Army at rebeldeng grupo sa Sitio Nagas-asan, Brgy. Ud-udiao, Sallapadan, Abra.

Sa ulat ng Northern Luzon Command, alas-2:45 ng hapon kahapon habang nagsasagawa ng security patrol ang mga sundalo ay nakasalubong at nakasagupa ang ‘di matukoy na bilang ng mga rebelde.

Ang mga miyembro ng NPA na naka-engkuwentro ng militar ay mula sa Agustin Begnalin Command, Kilusang Larangang Gerilya North Abra of the Ilocos-Cordillera Regional Party Committee (ICRC) na pinamumunuan ni Abdon Siddayao alyas Chico/Abdul/Rim.

Nagtagal ng ilang minuto ang sagupaan bago nagsitakas papalayo ang mga rebelde.

Sa ngayon nagpapatuloy ang military operation sa buong Northern Luzon partikular sa mga lugar na may presensiya ng mga NPA. (Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?