109
magdalo-gary-alejano
By

Energy Security isinusugal din sa China

Sharing is caring!

Pati ang energy security ng ating bansa ay isinusugal ni Pangulong Duterte dahil sa pagyuko niya sa China kapalit ng mga pautang.

Bago pumasok ang administrasyong Duterte, desidido ang Pilipinas na mahakahanap ng natural gas sa ilalim ng Recto Bank o Reed Bank na bahagi ng teritoryong idineklara ng UN Permanent Court of Arbitration (PCA) na pag-aari ng Pilipinas. Tinitignan ang potensyal ng Recto Bank dahil sa loob ng susunod na anim na taon mula ngayon ay mauubos na ang natural gas ng Malampaya gas field. Sa datos ng US Energy Information Administration mayroong tinatayang 14 trillion cubic meters na natural gas at 16 billion hanggang 33 billion bariles ng langis sa West Philippine Sea. Malaki ang maitutulong nito para masiguro ang energy security ng ating bansa.

Subalit, dahil sa oposisyon ng China, hindi matuloy-tuloy ang eksplorasyon sa Recto Bank mula pa noong 2011. Ang desisyon sana ng UN PCA ang magpapatibay ng ating mga karapatan upang ituloy ang eksplorasyon sa Recto Bank. Sa kasamang palad, mas pinili ng administrasyong Duterte na balewalain ang mga panalo ng Pilipinas kaugnay sa mga pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.

Sang-ayon ako sa mga pananaw ng mga maritime experts na sina Bonnie Glaser ng Center for Strategic and International Studies for Asia at Gregory Poling ng Asia Maritime Transparency Initiative na pinapahina ng Chinese expansion sa West Philippine Sea ang ating energy security. Idagdag mo pa dito ang pagyuko at pagprotekta ng mismong administrasyong Duterte sa mga interes ng China.

Ang mga makukuha natin sa ating mga teritoryo, tulad na lamang ng natural gas sa Recto Bank, ay pakikinabangan ng mga Filipino sa mahabang panahon. Ilang henerasyon ang makikinabang dito. Sa kabilang banda, ang mga loans na kapalit naman ng pagiging sunud-sunuran ng administrasyong Duterte sa China ay panandalian lamang ang magiging tulong. Bukod pa dito, wala pa ring kasiguraduhan ang mga loans na ito na maaari ding maglubog sa atin sa utang. Hindi na nga tayo ang makikinabang sa ating mga likas na yaman, tayo pa ang malulubog sa pagkakautang.

Sarado ang isip ni Duterte sa kapakanan ng mga susunod na henerasyon na Filipino. Ang isang tunay na lider ay hindi lamang nakatinigin sa kasalukuyan kundi sa hinaharap ng buong bansa. Subalit, taliwas ang nasasaksihan natin ngayon sa administrasyon. Si Duterte ay patuloy ang pag-utang ng bilyon-bilyon sa China pero sa huli, mga susunod na henerasyon ang magbabayad at mahihirapan. Ganyan ba ang lider na may tapang at malasakit para sa mga Filipino? O baka naman para sa China?

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?