20

By

End of Endo bill isusulong kahit meron nang EO vs. ‘endo’ – Villanueva

Sharing is caring!

Ginarantiyahan ni Senador Joel Villanueva, chairman ng Senate committee on labor, na patuloy nilang isusulong sa Senado ang pagsasabatas ng paghihigpit sa kontraktwalisasyon, tinaguriang endo o end of contract.

Ito ay kahit nag-isyu na si Pangulong Rodrigo Duterte ng Executive Order (EO) laban sa kontraktwalisasyon ng mga manggagawa.

Ayon sa senador, kailangan ng batas para institutionalized o hindi na matitinag ang mga patakaran na mag-oobliga sa mga employer na ibigay ang kaukulang benepisyo sa mga manggagawa.

Hindi pa nakikita ni Villanueva ang EO ng Pangulo na sa kaniyang tingin ay walang kaibahan sa umiiral nang polisiya kontra sa pagkontrata ng mga trabahador.

Pero mahalaga aniya na muling binigyang-diin ng Pangulo na gusto na nitong mawakasan ang endo at illegal contractualization.

Idiniin naman ng senador na hindi anti-business ang paglikha ng batas kontra sa pag-abuso sa mga manggagawa at ng batas na oobliga sa mga negosyante na intindihin ang kapakanan ng kanilang mga trabahador.

Una nang sinabi ni Donald Dee, presidente ng Employers Confederation of the Philippines o ECOP na hindi na dapat magkaroon ng batas laban sa kontraktwalisasyon dahil mapupulitika lamang.

Nainis si Villanueva rito at nagbigay-diin na batid naman ni Dee kung ano ang kaibahan kapag nasa batas ang paghihigpit o pagbabawal sa endo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?