132

Dec 18, 2017 @ 18:16
By

Employees union, kinilala ng DFA

Makalipas ang dalawang dekadang paghihintay, pormal nang kinilala ang DFA Rank and File Association (DFARFA), ang unyon ng mga kawani sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Mismong si Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano ang pumirma sa collective negotiation agreement (CNA) sa pagitan ng DFA at ng mga empleyado, na ang kinatawan ay si DFARFA President Dominic Macaraig,

“The signing is a historic event since it took the DFA almost 20 years to finally be able to enter into a collective negotiation agreement with a recognized employees’ union,” ani Cayetano.

Sinabi pa ng kalihim na ang pangyayari ay pagpapatunay ng pagkilala ng gobyerno sa mga kawani bilang bahagi ng mahusay na paglilingkod at pamumuno.

Nakapaloob sa kasunduan na kinakailangan na may kinatawan ang DFARFA sa lahat ng mga komite sa pagtalakay ng mga isyu na maaaring makaapekto sa karapatan at kapakinabangan ng mga rank and file worker.

Bukod dito, napagkasunduan din ang pagbuo ng Legal Defense Claims Board na magbibigay ng tulong sa mga kawani na nahaharap sa mga kasong sibil, kriminal at administratibo.

Inaasahan din na madaragdagan ang benepisyong medikal ng mga kawani, gayundin ang pagtatapos ng long-term contractualization at ang makatarungang pagtatalaga ng mga empleyado sa mga tanggapan ng DFA sa ibang bansa. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?