72
ABANTE arestado retired police arrested jail crime
By

Empleyado na may patong-patong na kaso, timbog sa Makati

Nadakip ng mga tauhan ng Makati City Police ang isang empleyado na nahaharap sa mga kasong pamemeke ng dokumento nitong Lunes ng hapon.

Kinilala ni Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, ang suspek na si Veronica Cortez, 43, dalaga, office staff at nakatira sa Barangay East Rembo ng nabanggit na lungsod.

May apat na bilang ng kasong estafa (falsification of public documents) si Cortez sa magkakahiwalay na korte sa nasabing lungsod.

Naaresto siya ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section sa panulukan ng Ayala Extension at Yakal St., Ayala Ave., Barangay San Antonio dakong ala-1:40 ng hapon.

Inaresto si Cortez sa bisa ng apat na warrant of arrest na inisyu ng Makati Metropolitan Trial Court Branches 64, 66 at dalawa pa sa MTC 61.

Nabatid na inirekomenda ng MTC 64 at 66 ang halagang tig-P6,000 na piyansa para sa pansamantalang paglaya ng suspect.

Bukod pa rito ang P80, 000 bail sa MTC 61 at isa pang P6,000 na piyansa sa isa pa nitong kaso sa naturang korte.

Nakatakdang iharap ang nasabing suspect sa korte at hinihintay pa ng pulisya ang commitment order para sa kaukulang disposisyon nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?