55

Oct 12, 2017 @ 16:21

Email ng mga staff nina Bam, Kiko na-hack

Limang staff nina Opposition Senators Bam Aquino at Francis “Kiko” Pangilinan ang nabiktima ng mga hacker.

Ayon kay Aquino, tatlo sa kanyang staff habang dalawa sa tauhan ni Pangilinan ang napasok ng hacker ang email accounts at ginamit upang maglabas ng mga email para sa destabilization plot laban sa administrasyon ni Pangulong Rodrigro Duterte.

Nakita ang hacking noong September 25 kung saan nakita sa draft items ang email na may subject na destabilization plot against PRRD.

Gayunman nang mabusisi ang email ng iba pang staff, nadiskubre na nag-umpisa ang hacking noon pang Marso kung saan mayroon ding email na ipinadala sa Government Service Insurance System o GSIS.

Agad namang humingi ng tulong sina Aquino sa National Bureau of Investigation, Department of Information Technology and Communications at sa Armed Forces of the Philippines.

Maging ang tulong ng Estados Unidos ay hiniling na rin ng senador dahil isa sa IP address na ginamit ay nagmula sa Amerika.

Naniniwala si Aquino na hindi lamang ito simpleng identity theft at hacking at sa halip ang nasa likod nito ay naglalayong guluhin ang bansa.

“Ang posibleng nasa likod nito ung gustong magkaroon ng totoong destablisasyon. Yung nagtutulak nito ung gustong magkagulo ang ating bansa,” saad ni Aquino. (Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?