613

Oct 18, 2017 @ 11:26

Ellen Adarna, nalulunod sa pag-ibig kay John Lloyd!

Nalulunod sa pag-ibig at kaligayahan ngayon si Ellen Adarna sa piling ni John Lloyd Cruz sa pagliliwaliw ng dalawa sa Europe.

Naging poet-writer si Ellen at doon niya ini-express ang kasiyahan sa mga sandaling magkasama sila ni Lloydie sa abroad.

Naka-post ang punung-puno ng kaligayahan at pag-ibig na mensahe ni Ellen na hindi naman niya binanggit o tinag ang pangalan ng pinatutungkulan niya pero alam ng mga nakabasa na ito ay ang drama actor.

@maria.elena.adarna, “Every moment I spent with you shined. Because the weather was good, because the weather was bad, and because the weather was good enough. I love you every moment of it.”

Ang nasabing caption ay nakalagay sa ilalim ng larawan na may isang bulaklak at nasa gitna ng damuhan.

Hindi pa umaamin sina Ellen at John Lloyd sa kanilang romantic relationship pero naniniwala ang marami na sila na ngang dalawa.

Matteo Guidicelli, payag na pagpiyestahan ang kanyang ‘bukol’

‘Cool’ lang si Matteo Guidicelli na pinagpipiyestahan ng mga fans at followers niya sa social media ang kanyang ‘bukol’ o ‘hinaharap’.

Nag-trending sa Instagram ang isang larawan ni Matteo kung saan nakasuot ito ng floral swimming trunks at naka-pose pa sa gilid ng swimming pool kasama ang kanyang swimming coach.

Pinaskil mismo ni Matteo ang larawan niyang ito sa kanyang Instagram, may ilang buwan na ang nakararaan.

Naging sentro ng mga nakatutuwang comment ang picture na ito ng aktor at binigyan pa ng kung anu-anong description at tawag ang kanyang ‘bukol’.

Sa interview namin kay Matteo sa presscon ng “Ghost Bride” noong Martes ng hapon, sinabi ng young actor na ‘okey lang’ o ‘cool’ lang siya na pagpiyestahan ng mga beki fans at girls ang naka-swimming trunks photo niya.

Nagbiro pa nga si Matteo na uulitin niya uli ang magpaskil ng photo niya nang naka-trunks kung ito raw ang makakapagpaligaya at makakapagpasaya sa mga fans niya.

Hindi na raw bago kay Matteo ang magsuot ng trunks dahil ito naman daw talaga ang isinusuot nilang mga swimmer sa training nila.

Ngayon lang siya nag-post nito at hindi niya inakalang magti-trending sa social media.

Sabi nga ni Matteo, walang kaso sa kanya kung pagpiyestahan siya ng mga fans niya, basta wala raw siyang natatapakan na kahit sino.

Kim Chiu, iginiit na friends pa rin sila ni Kris Aquino

Nagpaliwanag si Kim Chiu kung bakit mula nang lumipat sa kanyang bagong bahay si Kris Aquino ay hindi kailanman nakita ang young actress sa mga posts sa social media ng huli.

Buti pa si Erich Gonzales na noong kasagsagan ng isyu ng break-up nila ni Daniel Matsunaga ay nakita ng mga fans na bumisita ang drama actress sa tinutuluyan ng Queen of All Media.

Eh, isa si Kim sa pinakapaboritong young drama actress ni Kris sa bakuran ng ABS-CBN 2.

Palaging guests si Kim sa show noon ni Kris na ‘Kris TV’ at nitong nakaraang concert ni Kim, bumili ng maraming tickets ang TV host para ipakita ang malaki niyang suporta sa anak-anakan sa showbiz.

Sey ni Kim sa amin sa interview sa kanya sa nakaraang presscon ng pagbibidahang horror-suspense flick na ‘Ghost Bride’ na ginanap sa Seafood Wharf Resto, Binondo, Manila, noong Martes, nagkausap na raw sila ng ate Kris niya na isa sa mga araw na darating ay bibisita siya sa bahay nito.

Madalas naman daw silang nagpapalitan ng text messages ni Kris, ayon kay Kim. Medyo busy din daw si Kris sa mga projects nito kaya hindi sila magtugma ng schedules.

Pag wala raw kasing trabaho si Kim, nasa ibang bansa naman si Kris para sa bakasyon nito kasama ang mga anak o nasa business meetings.

Iginiit ni Kim na nanatiling matatag ang friendship nila ni Kris kahit na nga hindi na sila masyadong nagkikita nito.

Wala raw nakikitang problema si Kim sa pagiging inactive ni Kris sa telebisyon at pelikula. Kailangan daw ng ate Kris niya ng pahinga para hindi ito nagkakasakit palagi.

Anyways, sa tanong namin kay Kim kung ano ang reaksyon niya sa kumalat na balitang break na raw sila ni Xian Lim?

Mabilis na itinanggi ito ni Kim at sinabing wala naman daw nangyayaring hiwalayan sa kanila ng aktor.

Ibig sabihin, kinukumpirma na nga ni Kim na silang dalawa na ni Xian ngayon ang magkasintahan.

Sa November 1 ang showing ng ‘Ghost Bride’ na dinirehe ni Chito Roño para sa Star Cinema.

Zanjoe, kuntento sa gold medal
kesa trophy sa Emmy Awards

Bagama’t malaki ang pag-asa ni Zanjoe Marudo na masungkit niya ang acting award trophy sa darating na International Emmy Award 2017, hindi na raw umaasa ang Kapamilya actor na manalo pa.

Malalaking artista raw ang makakalaban niya katulad na lang ng Hollywood actor na si Kenneth Branagh.

Komento ni Zanjoe sa amin, okey lang daw na hindi siya manalo. Malaking achievement na raw sa kanya ang mapansin siya ng Emmy at ma-nominate pa bilang best actor.

Napansin ang husay ni Zanjoe sa Emmy mula sa isang episode na ipinalabas sa Maalaala Mo Kaya, kung saan ginampanan ng aktor ang role ng isang single father na pinalaki ang kanyang mga anak sa loob ng kuweba matapos magiba ang kanilang tinitirhan dahil sa bagyo.

Sunud-sunod ang pagku-congratulate ng mga kaibigan at kasamahan ni Zanjoe sa recognition na ito ng Emmy sa kanya.

Pero sey nga ng aktor, bibigyan naman silang mga nominees ng medal kahit hindi sila ang tanghaling best actor.

Sa November na ang announcement ng mga winners, at ngayon pa lang ay nae-excite na ang aktor sa kanyang red carpet appearance sa awards night.

Samantala, isa si Zanjoe sa mga dumalo sa nakaraang birthday ni direk Maryo J. De Los Reyes na ginanap sa Pepeton’s Bar and Grill noong Martes ng gabi.

Ang iba pa ay sina Joel Torre, Bembol Rocco, Lovi Poe, Rocco Nacino, Iza Calzado, Bibeth Orteza, Katrina Halili, Max Collins & Pancho Magno, Ruru Madrid, Yul Servo, Orlando Sol at iba pang nagmamahal sa award-winning film and TV director. (Rey Pumaloy)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?