35

Oct 19, 2017 @ 17:33

Electrician, natagpuang dedbol sa Ateneo

Isang electrician ang natagpuang patay sa loob ng compound ng Ateneo De Manila High School sa Quezon City kamakalawa ng gabi.

Si Danny Amandre Dava, 42, walang asawa at residente ng Block 4, Lot 92, Urban Bliss, Barangka, Barangay Marikina, ay natagpuang patay dakong alas-9:15 ng gabi sa loob ng satellite office ng central facilities management sa Dela Costa Hall ng nasabing paaralan na matatagpuan sa Katipunan Avenue, Brgy. Loyola Heights, ng nasabing lungsod.

Sa inisyal na report sa Criminal Investigation Unit ng Quezon City Police District, nagroronda umano ang security guard na nakilalang si Freddie Garcia nang mapansin ang electric fan sa central facilities ng Dela Costa Hall na bukas.

Pumasok umano si Garcia sa nasabing tanggapan ng paaralan para patayin ang electric fan, subalit laking gulat niya nang makitang nakabulagta ang electrician at hindi na humihinga.

Agad na humingi ng tulong ang guwardiya sa tanggapan ng Risk Reduction Unit ng Ateneo na siya namang nag-report sa pulisya.

Ayon sa mga nagrespondeng tauhan ng SOCO, wala naman umano silang

nakitang external injury kaya may hinalang namatay ito sa atake sa puso o anumang karamdaman.

Dinala na ang bangkay sa PNP crime laboratory para isailalim sa awtopsiya. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?