14
sk1

Election period sa barangay, SK polls epektibo na sa Abril 14

Sharing is caring!

Sisimulan nang ipatupad bukas, Abril 14 ang pagbabawal sa pagbibitbit ng baril o nakamamatay na armas kasabay ng pagsisimula ng election period para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Mayo.

Sa ilalim ng Comelec Resolution No. 10246, ang gun ban ay tatagal hanggang Mayo 21, 2018 o sa kabuuan ng election period.

Bawal din sa nabanggit na panahon ang paggamit ng security personnel o bodyguard ng mga kandidato at ang paglilipat ng mga opisyal at empleyado na nasa civil service kabilang na ang mga public school teacher.

Hindi rin papayagan sa panahon ng election period ang pagsuspinde sa alinmang halal na opisyal sa lalawigan, lungsod, munisipalidad o barangay.

Magmula rin bukas hanggang Mayo 14 na petsa ng eleksiyon, bawal ang pamimili at pagbebenta ng boto, pagkalap ng pondo sa pamamagitan ng loterya o sabong gayundin ang pag-aalis, pagsira at pagbabawal na mamahagi ng mga legal na election propaganda.

Samantala, bukas ay simula na rin ng paghahain ng certificate of candidacy sa Office of the Election Officer sa mga lungsod at munisipalidad na tatagal naman hanggang Abril 20, 2018.

Ang panahon ng kampanya ay magsisimula naman sa Mayo 4 na tatagal ng hanggang Mayo 12. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?