20

Oct 3, 2017 @ 17:15

Election forms iba-biyahe na

Sisimulan na ng Commission on Elections (COMELEC) bukas (Huwebes, October 5) ang shipment ng mga gagamiting non-accountable election form para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa October 23, 2017.

Ayon kay COMELEC Spokesman James Jimenez, kasama ito sa mga napag-usapan sa pulong ng COMELEC En Banc kahapon (Martes) alinsunod na rin sa inilatag na calendar of activities ng poll body para sa nalalapit na halalang pang-barangay.

Samantala, sinabi naman ni Jimenez na sa October 11, sisimulan na ang pagpapadala ng mga official ballot sa ibat ibang lalawigan sa Visayas at Luzon.

Aniya, sa ngayon ay nakatutok ang COMELEC sa paghahanda sa nalalapit na botohan dahil hindi pa naman nalalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang ipinasa ng Kongreso na nagpapaliban sa Barangay at SK Elections sa susunod na taon.

“[We] will get a shipping priority list to make sure the report is accurate. Metro Manila will be among the last to receive deliveries,” paliwanag ni Jimenez.

Sakali namang naging ganap nang batas ang panukalang nagpapaliban sa nasabing eleksyon, tinukoy ni Jimenez na ang mga nai-deliver nang mga balota ay posibleng manatili sa Municipal Treasurer.

“Ballots already shipped will likely remain with the municipal treasurer. However, the En Banc may prescribe a different mode of safekeeping, should the need arise. Ballots in transit will be allowed to continue to their destination,” dagdag ni Jimenez.

Ang mga hindi naman nai-deliver na balota ay mananatili sa warehouse o storage facility na uupahan ng COMELEC. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?