28

Aug 5, 2020 @ 12:00
By

Eleazar, Sinas matunog sa susunod na PNP chief

Dahil sa nalalapit na pagreretiro ni Philippine National Police (PNP) chief General Archie Francisco Gamboa sa Setyembre 2, 2020 ay ilang mga police general ang lumutang na papalit sa kanya.

Pero ayon kay Gamboa, sa ngayon ay hindi pa niya iniiisip kung sino ang kanyang iniindorso na maaring pumalit sa kanyang puwesto dahil patuloy pa rin ang kanyang trabaho sa paglaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) at laban kontra iligal na droga.

“No comment, you publish whatever you think is good to me, actually hindi ko pa naisip yan,” pahayag ni Gamboa sa tanong ng mga reporters kung sino ang posibleng pumalit sa kanya.

Ayon naman sa source ng Abante sa Camp Crame, posibleng ang magkaklase sa Philippine Military Academy (PMA) Hinirang Class of 1987 na sina Police Lt. General Guillermo Eleazar, na kasalukuyang commander ng Joint Task Force Covid Shield, at National Capital Region Police Offcie (NCRPO) Police Major General Debold Sinas ang maaring mapagpilian bilang susunod na PNP chief.

Si Eleazar ay mahigit isang taon pa sa serbisyo at nakatakdang magretiro sa Nobyembre 2021 habang si Sinas naman ay magreretiro sa Mayo 2021.
Subalit kung seniority ang paiiralin ay maari ding sumunod na PNP chief si Deputy Chief for Administration Police Lt. General Camilo Cascolan, na magreretiro sa Nobyembre 2020 o dalawang buwan pagkatapos ng termino ni Gamboa.

Sina Gamboa at Cascolan ay magkaklase sa PMA Sinagtala Class of 1986.
Samantala maituturing na darkhorse bilang susunod na PNP chief si Police Brig. General Vicente Danao Jr., Regional Director ng Police Regional Office (PRO) 4-A (Calabarzon).

Si Danao ay mula naman sa PMA Sambisig Class of 1991.
Pero ang desisyon ay magmumula pa rin kay Pangulong Rodrigo Duterte, kung plano ba nitong palawigin ang termino ni Gamboa bilang PNP chief o kung sino ang kanyang pipiliin bilang bagong hepe ng pulisya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?