31

Sep 1, 2021 @ 16:15
By

Eleazar pinakikilatis motor stunt ng 2 kelot

Ipinag-utos ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar na magsagawa ng imbestigasyon tungkol sa viral video sa social media kung saan namataan ang dalawang umano’y pulis na nage-exhibition sa motorsiklo sa Zambales.

Sa viral video ay makikita ang dalawa na habang sakay ng motorsiklong pangpulis ay kung ano-anong exhibition ang ginagawa sa kalsada, gaya ng pagupo ng patagilid at pagewang-gewang ng motor.

Hindi nakaligtas kay Eleazar ang pangyayari.

“Matapos kong mapanood ang viral video na ito, agad kong inatasan ang RD (Regional Director), PRO3 (Police Regional Office 3), Police Brig. Gen. Val de Leon pati na din ang Director ng Highway Patrol Group na tukuyin, imbestigahan at patawan ng karampatang parusa ang mga kamote riders na ito. Kasama sa aking utos ay alamin kung mga pulis nga ang dalawang ito,” pahayag ni Eleazar.

“May tamang lugar sa mga ganitong klaseng gawain at kailanman ay hindi kasama ang mga pampublikong kalsada dahil maaari itong magdulot ng aksidente na ikakapahamak ng mga motorista at ng iba pa nating mga kababayan,” dagdag pa ng PNP chief.

Sinisiguro din niya na kapag napagalamang pulis ang mga kamote rider ay papanagutin ang mga ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?