24

Dec 28, 2020 @ 17:21
By

El Shaddai sinisiyasat sa paglabag sa quarantine protocol

Iniimbestigahan na ang religious group na El Shaddai para sa sinasabing mga paglabag sa COVID-19 protocol sa isang event sa Parañaque City, ayon kay Interior Secretary Eduardo Año.

“Meron tayong ginagawang investigation diyan, joint investigation kasama ang LGU (local government unit) at PNP (Philippine National Police), against these violators,” lahad ni Año, vice chair ng Task Force Against COVID-19 sa panayam sa radyo.

Noong Sabado nagsagawa ang El Shaddai group, na pinamumunuan ni Bro. Mike Velarde, ng isang “Family Appointment” event na nakahakot ng maraming tao sa Amvel City Ground.

Dagdag ni Año, diumano’y nagsagawa rin ng pagtitipon ang El Shaddai nang walang pag-apruba mula sa mga opisyal ng Parañaque City.

Sinabi ni Año, nagpadala na sila ng isang sulat at inimbitahan ang event organizer para sa imbestigasyon.

Batay sa resolusyon ng task force, pinapayagan lamang ang mga religious gathering sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine ng hanggang 30 porsyentong seating capacity.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?