3
abante-tnt-vismin-joshua-carino
By

El Joshua Cariño, hari ng Le Tour

Sharing is caring!

Hapong-hapo pagtawid ng meta si El Joshua Cariño ng Standard Insurance-Navy dahil itinodo niya lahat ng lakas upang sikwatin ang korona sa pagtatapos ng Ninth Edition ng 2018 Le Tour de Filipinas dito sa Baguio City.

Dinomina ni Terrengganu Cycling Team Eritrean rider Metkel Eyob ang Final Stage 4, tinawid ang finish line na may tiyempong apat na oras, limang minuto at 52 segundo sa 154.65-kilometer race na nagsimula sa Lingayen, Pangasinan.

Bago pinasibat ang mga siklista sa Stage 4, naghahabol si Eyob ng 2:48 minuto sa may suot ng yellow jersey na si Cariño, dumating na tersero ang Pinoy subalit lamang pa rin ng 40 segundo kaya tinanghal kampeon.

“Ang plano ko bago mag-Lion’s head, aatake na ako kasi nakita ko ‘yung mga foreigner medyo nahihirapan na kaya doon ko tinira,” masayang sabi ni 25-year-old Carino. “Kahit nahihirapan ako, tiniis ko na lang dahil maraming mga Pinoy ang nagbibigay ng morale boost sa akin”.

May aggregate time na 12 oras, 25 minuto at 13 segundo si Carino, habang second place si Eyob na nirehistro ang 12:25:53 sa event na suportado ng Air 21, Cargohaus Inc. at Cignal.

Pangatlong Pinoy si Carino sa mga nagkampeon sa UCI-sanctioned race sa Pilipinas, una si Baler Ravina noong 2012, pangalawa si Mark Galedo, (2014).

Tersero sa overall si Ronald Oranza ng Navy habang pang-apat ang teammate na si Jan Paul Morales.

Kinalawit din ni Carino ang Best Sprinter award matapos makalikom ng 28 points habang segundo si Morales na may 25 puntos.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?