19

Sep 8, 2021 @ 17:52
By

Ekonomiya kailangan ng buksan—lady solon

Kailangan na umanong buksan ang ekonomiya para makapagtrabaho na ang mga Pilipino lalo at wala ng ibinibigay na ayuda ang gobyerno.

Ayon kay Marikina Rep. Stella Quimbo, mas kailangan na makapagtrabaho ng mga Pilipino dahil sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

“Patuloy na tumataas ang presyo ng pagkain. Ang inflation rate ng pork sa buwan ng Agosto ay 39 percent, napakataas nito considering na 3 percent lang dapat ang inflation rate. Sa kabila ng pagtaas ng presyo ng bilihin, sarado pa rin ang ekonomiya,” sabi ni Quimbo.

Suportado rin ni Quimbo ang panukalang pagpapatupad ng granular lockdown na balanse umano ng kaligtasan ng kalusugan at pangangailangang kumita.

“Sa halip na shotgun approach sa ilalim ng isang malawakang lockdown, dapat surgical na ang approach natin, kaya’t pipiliin na lamang ang mga lugar na kailangan mag-lockdown. Masyado nang matagal nakatukod and ekonomiya. Butas na po ang bulsa ng Pinoy kaka-lockdown,” dagdag pa ng lady solon.

Hindi rin gaya noong nakaraang taon, sinabi ni Quimbo na milyong Pilipino na ang nabakunahan ngayon.

“Buksan na po ang ekonomiya at payagang mag-hanapbuhay ang ordinaryong Pilipino. Hayaan na natin mag-operate ang mga workplaces at mga negosyo na COVID safe, na ibig sabihin may regular testing, social distancing at 70 percent vaccinated employees,” wika pa nito.

Wala rin umanong ibinibigay na tulong pinansyal ang gobyerno kaya mas lalong maraming Pilipino ang kailangang magtrabaho para mabuhay.

“Kung walang ayuda, mas kailangan ng Pilipino na pumasok sa trabaho para buhayin ang pamilya. Para maging effective ang granular lockdown…. kailangan ng ayuda,” dagdag pa ng solon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?