32

Jan 5, 2022 @ 14:20
By

Ekonomiya ‘di dapat masakripisyo sa paglaban sa Omicron – Ejercito

Hindi umano dapat magresulta sa pagsara ng mga negosyo at kawalan na trabaho ang gagawing hakbang ng gobyerno para masugpo ang Omicron variant na siyang nagpataas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ayon kay dating senador JV Ejercito, dapat gumawa ng matibay na hakbang ang gobyerno para matugunan ang bagong bugso ng COVID-19 cases, sa pakikipagtulungan ng business sector at ng general public.

“Hindi dapat maging hadlang sa pagbangon ng ekonomiya ang pag-contain ng Omicron variant. Marami nang trabaho at kabuhayan ang naapektuhan at nawala dahil sa sunod-sunod na lockdown,” sabi ni Ejercito sa isang statement.

“Mahalaga ang strict enforcement ng mga protocol sa ilalim ng Alert Level system, kasama ang kooperasyon ng mga business establishment,” sabi pa ng dating senador.

Kailangan na rin aniyang maghanda ang local government units para sa posibleng pagpapatupad ng granular lockdown kung kakailanganin para makontrol ang pagtaas ng kaso ng coronavirus.

Nauna nang itinaas ng gobyerno sa Alert Level 3 ang Metro Manila at kalapit-lalawigan ng Bulacan, Rizal, Cavite kasunod ng pagsirit ng kaso ng Covid-19 nitong nagdaang mga araw.

Nakapagtala na ang Department of Health (DOH) ng sampung kaso ng Omicron variant sa bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?