50

Nov 6, 2020 @ 11:59
By

EJK survivor pinatay sa ospital, pulis walang kinalaman – hepe

Walang kinalaman ang mga pulis Angono sa pamamaril at pagpaslang ng isang sinasabing extrajudicial killing (EJK) survivor sa loob ng isang ospital sa Angono, Rizal, ayon sa kanilang hepe.

“Actually sa police station, walang kinalaman po ang police station natin dahil kami po ang nagdala sa biktima sa hospital mula doon sa area kung saan siya nakita at noong nalaman na buhay pa, dinala namin sa hospital. Tumawag kami ng ambulansya,” sabi ni Angono police chief PMaj. Richard Corpuz sa ABS-CBN News Channel ngayong Biyernes, Nobyembre 6.

Ginawa ng hepe ang pahayag matapos maglabasan ang hinala ng mga netizen na may kinalaman ang mga pulis sa pagpatay kay Vincent Adia, na dalawang beses binaril habang ginagamot sa Rizal Provincial Hospital System Annex noong magta-tanghali ng Miyerkoles.

Sinugod si Adia sa naturang ospital matapos siyang barilin noong madaling-araw ding iyon.

Wika pa ni Corpuz, “isolated case” lang ang nangyari sa biktima.

“Medyo isolated case ito, parang sa pelikula nga. Then pagkakabaril, napakaraming tao sa loob ng hospital. Maraming nagpapacheck-up during that time and then sa emergency room, marami ding pasyente,” saad pa ng hepe.

Habang ginagamot sa ospital, may pumasok na hindi pa kilalang gunman sa pasilidad at binaril si Adia. Batay sa paunang imbestigasyon, may bitbit na backpack ang suspek at nakasuot ng itim na shirt at shorts. Umalis sa crime scene ang suspek sakay ng motorsiklo na minamaneho ng kanya umanong kasabwat.

Naunang sinabi ni Corpuz na dapat ililipat sa ibang ospital si Adia at umalis ang mga pulis sa ospital upang sunduin ang pamilya ng biktima sa Antipolo.

“Noong pag-alis ng pulis, nandoon din pala ‘yung mga bumira parang mga suspek na una. Ayon, napasok nila ‘yung ospital. Parang sinalisihan po kami,” aniya pa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?