75

Nov 29, 2018 @ 11:15
By

EJK bubuhos sa Davao Death Squad – mga solon

Inaalmahan ng mga makakaliwang kongresista ang plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na bumuo ng sarili nitong sparrow unit para durugin ang assassination squad ng New People’s Army.

Para kay ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, tahasan itong panghihikayat sa mga sibilyan na pumatay ng kapwa-Pilipino nang walang pagsasaalang-alang sa human rights at due process.

“Kung ano yung nakikita natin na extra judicial killings sa ngalan ng giyera kontra droga ngayon naman mangyayari ito through state sanctioned vigilante murders mangyayari ito ngayon sa counter-insurgency,” ani Tinio.

Ayon naman kay Anakpawis Rep. Ariel Casilao, ang pahayag ng Pangulo ay pagkumpirma sa matagal na nitong ginagawa na pagkakaroon ng death squad.

“Malinaw naman po na pinopormalisa, nililegalisa at kinumpirma niya ang matagal na niyang ginagawa ang pag-create kuno ng death squad against the sparrow unit of the NPAs,” sabi ni Casilao.

Sa panig ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, hindi anya katanggap-tanggap ang ganitong balakin ng presidente.

Pangamba ng kongresista, mas dumami pa lalo ang mga mapapatay na ngayon naman ay mapaghihinalaang rebelde.

Iginiit ng mga mambabatas na hindi solusyon ang pagbuo ng death squad para wakasan ang rebelyon sa Pilipinas kundi ang bumalik sa negotiating table ang gobyerno at ang National Democratic Front.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?