33
jv-ejercito
By

Ejercito sa Kadamay: Walang libreng pabahay ang gobyerno

Sharing is caring!

Pinagsabihan ni Senador JV Ejercito ang grupong Kadamay na tigilan na ang pag-okupa sa mga housing project ng gobyerno at huwag magpumilit na bigyan sila ng libreng bahay.

Mariing sinabi ni Ejercito, chairman ng Senate committee on housing, na hindi maaring mamudmod ang gobyerno ng bahay dahil hindi ito patas para sa mga nagsisikap na mangupahan at makabili ng sariling tirahan.

Binigyang-diin ng senador na kahit sa Konstitusyon, hindi isinasaad na tungkulin ng goyberno na bigyan ng libreng bahay ang mahihirap.

Ang iniuutos aniya ng Konstitusyon ay ang pag-aalok ng pabahay na “affordable” o abot kaya ang halaga.

Tinukoy ang Article 13 Section 9 ng 1987 Konstitusyon na nagsasaad na “The State shall, by law, and for the common good, undertake, in cooperation with the private sector, a continuing program of urban land reform and housing which will make available at affordable cost, decent housing and basic services to underprivileged and homeless citizens in urban centers and resettlement areas.”

Dagdag ni Ejercito, hindi katwiran ang pagiging mahirap ng mga kasapi ng grupong Kadamay dahil marami ring tulad nila na kapus-palad na nabiyayaan ng housing program ng gobyerno na nagbabayad ng mababang hulog na P200 hanggang P300 kada buwan.

May ganito aniyang singilin upang maging responsable at matutong magkaroon ng pananagutan ang nabibiyayaan ng housing project.

Kailangan din ang pagbalik ng pautang upang maipagpagawa ng panibagong housing project.

Samantalay tiniyak ni Ejercito na malapit nang maisabatas ang panukalang paglikha ng Department of Housing.

Sa ilalim nito, pag-iisahin ang walong housing agencies ng gobyerno.

“So I’m appealing to the members of Kadamay to hopefully practice restraint. Just give us a little more time because I’m very optimistic that with the passage of the Department of Housing, its creation would definitely synchronize and improve the housing programs of government,” dagdag ni Ejercito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?