39

May 25, 2018 @ 17:03
By

Ejercito, Poe: Suspendihin na ang buwis sa petrolyo

Sumama na sina Senado JV Ejercito at Sen. Grace Poe sa mga nananawagan sa Malacanang na suspendihin ang pagpapataw ng excise tax sa petrolyo.

Bunsod ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo at mga pangunahing bilihin na nagpapahirap na sa taumbayan.

Giit ni Ejercito, ipatupad ang probisyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na nag-uutos ng suspensyon ng pinataasang excise tax sa petrolyo kapag lumobo ang presyo nito.

Ipinunto ni Ejercito na halos $80 na kada bariles ng petrolyo habang pumalo sa 4.5 percent ang inflation rate nung Abril.

Ayon kay Ejercito, totoong kailangan ng gobyerno ang buwis na nakukulekta sa petrolyo pero dapat aniyang unahin muna ngayong tulungan at protektahan ang publiko mula sa nagtataasang presyo ng produkto at serbisyo.

Iminungkahi naman ni Poe ang suspensyon ng excise tax sa petrolyo matapos ang pinamunuang public hearing ng Public services committee kanina sa Iloilo city.

Idinaing doon ng mga residente na mula nung ipatupad ang TRAIN Law, tumaas na ng 30 porsyento ang presyo ng petrolyo sa Panay Region.

Katumbas daw iyon ng P10 pagtaas sa presyo ng diesel at gasolina kumpara sa presyo noong Disyembre, bago maging batas ang TRAIN Law.

Dahil daw dito, tumaas doon ng P5 ang kilo ng bigas, P15 ang itinaas ng presyo kada kilo ng karneng baboy at P20 ang itinaas ng presyo ng bawat kilo ng isda.

“Bilang tulong sa ating mga kababayan, lalo na sa mga mahihirap, dapat na pag-aralan ng ahensya ang pagpapaliban sa full implementation ng TRAIN Law, partikular sa fuel excise taxes, dahil lahat ng produkto ay apektado nito,” diin ni Poe na nangakong kukumbinsihin ang mga kapwa seandor para sama-sama nilang hingin ang suspensiyon ng excise tax sa petrolyo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?