184

Feb 7, 2020 @ 19:51
By

Ejercito: Nandurang Chinese ikulong

Hindi umano dapat palagpasin ang ginawang pambabastos ng Chinese national na inaresto sa paglabag sa trapiko at pagdura pa nito sa isang pulis Maynila.

Ayon kay dating senador JV Ejercito, dapat ikulong ang Chinese dahil ang mga ginawa niya’y pambabastos hindi lang sa buong kapulisan kundi sa dangal ng bansa.

“Yung mainland Chinese na nandura ng pulis ay dapat kulong! Huwag palagpasin,” naggagalaiting pahayag ni Ejercito sa kanyang Twitter post.

“Binabastos niya ang buong kapulisan at ang ating dangal,” dagdag pa nito.

Nakatakdang sailalim sa inquest proceeding ang Chinese na si Zhou Zhi Yi, 50, dahil sa patung-patong na kasong nilabag nito.

Mattandaan na nagtangka pang tumakas si Zhou nang hulihin ng mga awtoridad na nauwi sa pag-araro niya sa ilang mga motor at kotse mula Tayuman hanggang Jose Abad Santos.

Sabi pa sa report, nakitaan din ng iligal na droga sa kanyang puting SUV. At habang kinakausap ng mga awtoridad, dinuraan nito ang isa sa mga pulis.

Nahaharap di sa kasong Dangerous Drugs Act, Direct Assault to the Person of Authority at Unjust Vexation ang bastos na Chinese.

Bukod sa kaso laban kay Zhou, nakikipag-uganayan na rin ang awtoirdad sa Chinese Embassy at Bureau of Immigration para malaman kung iba pang kinakaharap ng kaso ang suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?