125

By

Ejercito: Masyado kasing mabait si Koko

Sharing is caring!

Hindi naging matapang si Senate President Koko Pimentel bilang lider ng Senado.

Sinabi ni Senador JV Ejercito na isa ito sa mga dahilan kaya nadismaya silang mga taga-majority bloc sa pamumuno ni Pimentel at mapapaaga ang pagpapababa nila rito sa puwesto.

Ayon kay Ejercito, masyadong mabait si Pimentel na hindi uubra sa Senado na institusyong matindi ang pulitika.

Dito umano lamang si Senate majority leader Tito Sotto na planado na nilang ipalit kay Pimentel.

Inungkat na hindi matapang na pumalag si Pimentel nu’ng binira at tinawag ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang Senado na “mabagal na kapulungan.”

“Si SP Koko masyadong mabait. Maaaring talagang kulang pa siya dun sa pagiging politiko, siguro sa pag-manage ng isang institusyon na ganito na very political,” ani Ejercito.

Nagkulang din aniya si Pimentel sa pagtatanggol sa mga senador na nagkaroon ng problema tulad niya nu’ng sinuspinde siya ng Ombudsman sa kasong katiwalian na ngayon ay ibinasura na ng Sandiganbayan.

Bukod dito, inamin ni Ejercito na naghinanakit silang mga reeleksyunistang senador dahil hindi nila nakita na ipinaglaban sila ni Pimentel para mapasama sa senatorial slate ng PDP Laban kung saan ito naman ang pangulo.

Bumawi naman umano si Pimentel at ipinaglalaban na sila sa PDP Laban matapos malaman ang kanilang sentimyento.

Idiniin naman na walang galit kay Pimentel at sa halip ay gusto lang nila na maituon nito ang oras sa sariling reeleksiyon at sa pagkampanya ukol sa federalism.

“Hindi naman ito dahil sa galit tayo sa kaniya. Parang show of trust and confidence lang ito kay Senator Sotto. Kay Sen. Sotto, kumpiyansa kami na kapag may umatake sa Senado, alam naming na may tigasin na dedepensa rito,” ani Ejercito.

Si Sotto ay kasapi ng tinaguriang macho bloc na kinabibilangan nina Sen. Ping Lacson at Sen. Gregorio Honasan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?