133

Oct 30, 2017 @ 12:19

Ejercito kay Roque: ‘Wag gatungan si Duterte

Bilib man sa kakayanan ni Akbayan Party-list Representative Harry Roque, may paalala pa rin si Senador JV Ejercito sa pag-upo nito bilang tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Ejercito, dapat tandaan ni Roque na siya ay taga-balanse at tagapaglinaw sa mga sinasabi ng Pangulo.

Hindi umano dapat na dumagdag pa si Roque kapag may kinagagalitan o kaalitan ang pangulo.

“Just a reminder. Dapat balansehin natin. Hindi naman puwedeng lahat ay awayin natin. Huwag na nating dagdagan pa.” diin ni Ejercito.

“Dapat tayo yung nag-aayos at naglilinaw kung saka-sakali,” dagdag ng senador.

Ipinalit ni Pangulong Duterte si Roque kay dating Secretary Ernesto Abella.

Kilala si Roque na human rights lawyer at matalim ding magsalita.

Sa video na nasa Facebook post ni Presidential Communications Assistant Secretary Margaux “Mocha” Uson, sinabi ni Roque na hindi lang bato ang ibabalik niya sa mga kritiko ng pangulo kundi hollow blocks pa.

Ayon kay Ejercito, diretsahan at makulay magsalita ang Pangulo kaya ang kailangan ay ang magpapaliwanag sa nasa isip ng Pangulo at hindi ang gagatong pa sa Pangulo.

“Si President Duterte, very colorful ang personality. Ganun siya eh. No nonsense siya. Kinakailangan tayo po ang nagpapaliwanag kung ano ang nasa isip ng Pangulo’” ayon sa senador. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?