303

Dec 16, 2017 @ 16:23
By

Efren Peñaflorida ipapalit ni Duterte kay Ridon sa PCUP

Ipinapahanap na ni Pangulong Rodrigo Duterte si Efren Peñaflorida para pamunuan ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) matapos sibakin ang lahat ng opisyal ng tanggapan.

Si Peñaflorida ang guro na nakilala sa buong mundo dahil sa adbokasiya nito na pagtuturo ng mga batang maralita gamit ang kariton.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque na nais ni Pangulong Duterte na italaga sa PCUP ‘yung gurong may kariton at galing sa hirap.

Inatasan na aniya ng Presidente si Special Assistant to the President Christopher Lawrence Go na hanapin at ipatawag sa Malacañang si Peñaflorida.

“He said he wants to appoint ‘yung galing sa hirap… ‘yung teacher na may kariton na CNN awardee. He asked SAP to look for him,” ang pahayag ni Roque.

Matatandaang noong Martes ay inianunsiyo ng Malacañang ang pagsibak kay Atty. Terry Ridon at iba pang opisyal ng PCUP dahil sa panay-panay na biyahe sa ibang bansa gamit ang pondo ng bayan.

Sa loob aniya ng maiksing panahon na naitalaga si Ridon sa ahensiya ay naka-pitong beses itong bumiyahe sa abroad para dumalo sa mga kumperensiya na hindi naman umano lubhang mahalaga sa komisyon.

Sinabi ng Pangulo na ang hinahanap niyang kuwalipikasyon para mamuno sa PCUP ay galing sa mahirap at tunay na nagmamalasakit sa mga mahihirap na Pilipino.

Si Peñaflorida ay nakakuha ng international award sa CNN dahil sa pagtuturo nito sa mga batang mahihirap na hindi nakakapag-aral sa paaralan gamit ang kariton.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?