1,135

By

Effort ng atleta ‘yon! Phisgoc walang kinalaman sa 149 SEAG gold ng PH – Lacson

Malaki man o hindi, dapat pa ring imbestigahan ang sablay ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc), gayundin ang posibleng katiwalian sa pag-oranisa sa katatapos na 30th Southeast Asian Games, ayon kay Senador Panfilo Lacson.

“Kung ano ang kapalpakan ng Phisgoc kung totoo o hindi, dapat tingnan sa pamamagitan na oversight na mandate ng Senate at HOR (House of Representatives),” pahayag ni Lacson sa phone patch interview.

“Huwag natin paghaluin kung may corruption halimbawa man sa PHISGOC walang kinalaman ang atleta roon at walang kinalaman yan kung bakit tayo napakarami gold medal,” dagdag pa nito.

Binigyang-diin pa ni Lacson na hindi rin dapat magkaroon ng utang na loob ang publiko sa PHISGOC matapos nakuha ng Pilipinas ang overall championship sa katatapos ng SEA Games.

“Magkaiba ang mga atleta at ang organizing committee, ang PHISGOC. Kung ano man ang honors na ibinigay ng mga atleta, 149 golds, 287 lahat-lahat, walang kinalaman ang organizing committee doon. Ang may kinalaman doon, ang mga sponsors at mga atleta mismo,” sabi ni Lacson.

“So huwag natin ipaghalo na ang success ng mga atleta natin, utang na loob sa PHISGOC. Organizing council ang PHISGOC, sila ang nangasiwa sa pag-coordinate,” dagdag pa nito.

Itutuloy pa rin aniya nila ang imbestigasyon sa Senado kahit nagbuo na ang Office of the Ombudsman ng fact-finding panel na magsisiyasat sa posibleng katiwalian sa pag-organisa ng 30th SEA Games.

“For all we know makatulong ang investigation ng Senado sa fact-finding investigation na ginagawa ng Ombudsman. Kasi may nangyari in the past na yung proceeds o result ng investigation ng Senate nagamit ng Ombudsman o Sandiganbayan,” ani Lacson.

“So sa aking pananaw kung may resolution at privilege speech tungkol dito na referred sa committee halimbawa sa BRC dapat tuloy ang investigation,” saad pa nito.

Nauna nang sinabi ni Lacson na kuwestiyonable ang ginawang paglipat ng Philippine Sports Commission (PSC) ng P1 bilyong pondo nito sa PHISGOC, isang private foundation, na pinamumunuan ni House Speaker Alan Peter Cayetano.

“Kasi may issue tulad ng pag-transfer ng pondo from PSC which is a government agency to a private foundation which is PHISGOC, yan malaking question kasi government funds yan di mo pwede ilagak sa isang private foundation,” ayon kay Lacson.

“Yan ang dapat tingnan even for the purpose of legislation mag-inquire kung tama ba yan at kung talagang necessity yan baguhin natin ang batas, ang procurement law. Otherwise, mukhang may mali roon,” wika pa nito.

Hindi rin umano dapat magkaroon ng ‘exemption’ sa gagawing imbestigasyon ng Senado sa isyu ng katiwalian at kapalpakan sa pagdaraos ng katatapos lang na SEA Games.

“So huwag natin basta ipikit ang mata natin dahil very successful ang performance ng atleta, kalimutan natin ang possible excesses, di ko sinasabing meron, pero dapat patingnan din para hindi na maulit o kaya magkaroon ng kaukulang panukalang batas o legislation para ma-correct,” ani Lacson.

“Walang exempted diyan kasi walang above the law. Kung may pagkakamali dapat may matingnan,” sambit pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?