31
du30monyo1
By

Effigy na ‘Du30monyo’ sinunog sa Mendiola

Sharing is caring!

Sinilaban ng mga militante ang malaking effigy na “Du30monyo” na isa sa tampok sa malaking pagkilos na kanilang ikinasa ngayong Araw ng Paggawa.

Sa taas na walong talampakan at haba na 22 talampakan, lumikha ang pagsunog sa effigy ng malaking apoy.

Ayon sa grupong Kilusang Mayo Uno, ang apoy na ito ang sumisimbolo sa nag-aapoy nilang adhikain na patuloy na labanan ang anumang uri ng kontraktwalisasyon.

At sa bihirang pagkakataon, nagsanib-puwersa ang mga magkakaribal na grupo ng mga manggagawa sa Mendiola ngayong araw.

Pansamantalang isinantabi ng mga grupo ang kanilang magkakaibang prinsipyo at pulitikal na paninindigan para magbandera ng mas matingkad na panawagan sa gobyerno.

Naging saksi ang Mendiola sa magkasamang pagkilos ng mga grupong Bukluran ng Manggagawang Pilipino, Trade Union Congress of the Philippines at Partido ng Manggagawa gayundin ang grupo ng Kilusang Mayo Uno, Bayan Muna, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at Anakpawis.

Ala-una ng hapon nang lisanin ng grupo mula sa hanay ng “rejectionist” ang Mendiola, habang nagpaiwan sa lugar ang mula sa hanay ng “reaffirmist”.

Panawagan ng mga militante — wakasan na nang tuluyan ang kontraktwalisasyon.

Naging tampok sa kanilang pagkilos ang pagsunog sa effigy na tinawag nilang “Liar King”. May mukha ito ng Pangulo na idinikit sa plakard, na kinopya naman sa watawat ng Amerika at China.

Kulay pula ang namayaning kulay sa Mendiola kung saan tampok din sa rally ang mga malalaking bandera na may mga mukha ng mga kilalang nagtaguyod ng paniniwalang komunismo na sina Vladimir Lenin, Karl Marx at Mao Tse Tung.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?