42

Jan 6, 2022 @ 19:01
By

Edu pumapasok sa klase ng naka-tuwalya lang

Hindi makakalimutan ni Edu Manzano nang minsan siyang pumasok sa klase ng kilalang direktor na si Jose “Joey” Javier Reyes habang nakabalot lang ng tuwalya.

Ibinahagi ng aktor ang kwento kasama ang anak na si Luis Manzano sa YouTube channel nito.

Ayon kay Luis, naging professor umano ng kaniyang ama si Reyes sa Economics noong ito ay kolehiyo pa lang sa De La Salle Univeristy.

“Si Daddy, varsity dati ng La Salle. Alam niyo ba si Daddy ang kauna-unahang pumasok sa classroom nang nakatuwalya lang? Ang teacher ni Daddy nung time na yun ay si Joey Javier Reyes,” ani Luis.

At dahil siya ay isang scholar athlete, madalas umano siyang nalalate sa subject ng professor.

“Tapos, sabi ni Direk Joey, kapag na-late pa siya ng isang beses, drop na yung class niya. E, kailangan niya kasi varsity. E, napasarap ligo mo after practice,” dagdag pa ni Luis.

“E, nag-ring na yung bell. E, sabi nga niya, ‘Isang beses lang na ma-late ka, talagang wala, ida-drop kita.’ E, three units yun. Malalagot yung scholarship,” pagpapatuloy naman ni Edu.

Dahil umano sa takot na mawalan ng scholarship ay dali-daling tumakbo ang aktor sa klase habang naka-tuwalya lang.

“So, napilitan ako umakyat kaagad ng klase. Tumakbo na nakatuwalya lang. Tapos pagpasok nang nakatuwalya, sabi ni Joey, ‘Ano ka, nagpapatawa? Ano ka, komedyante?” saad pa ni Edu.

Hindi pa ito pinalagpas ni Reyes at itinabi pa siya sa may aircon.

“So, umupo ako sa upuan ko. Ang ginawa niya, ‘Hindi! Dun ka sa isang upuan. Yung pinakamalapit na aircon!’ So, dinikit ako. Dun ako naupo buong klase. Tatlong araw ako nagkasakit” kwento pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?