469

Apr 22, 2021 @ 16:27
By

Eddie Villanueva binanatan si Parlade: Baka masayang pondo sa NTF-ELCAC!

Kinondena ni Deputy Speaker and CIBAC Rep. Bro. Eddie Villanueva si National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Spokesperson Lt. General Antonio Parlade dahil sa pagtulad nito sa organizer ng community pantry kay Satanas.

Ayon kay Villanueva mahirap tiisin at malapit na sa pagkabaliw ang pahayag ni Parlade.

“I do not know how calloused their hearts are to be able not to feel the struggle of Filipinos amidst these trying times. Imbes na maging kabalikat, mas lalo pa silang nagiging pabigat sa ating mamamayan. Ang dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno ay bakuna at ayuda, nangangamatay at nagugutom ang mga tao,” sabi ni Villanueva.

Ayon kay Parlade ang aksyon ni Patricia Non, ang organizer ng Maginhawa community pantry ay maitutulad sa demonyo na nag-alok ng mansanas kay Eba. Ang community pantry ay maaari umanong gamitin sa pag-recruit ng komunistang grupo.

Nakababahala umano ang ganitong klase ng pag-iisip ng NTF-ELCAC sa gitna ng pandemya kung kailan mahalaga ang pagtulong sa mga nangangailangan.

“This puts into question if NTF-ELCAC is capable of rightly using the billions of funds appropriated to it. Dapat itong silipin ng Kongreso, baka masayang lang ang pondo,” dagdag pa ni Villanueva.

Sinabi naman ni CIBAC Rep. Domeng Rivera na ‘overkill’ ang ginagawa ng NTF-ELCAC at baka lalo pa umanong lumayo ang tao sa gobyerno.

“Sobrang wala sa tono, wala sa lugar ang ginagawa ng NTF-ELCAC sa organizers ng community pantry. Baka mas lalo lang lumayo sa gobyerno ang loob ng sambayanang Pilipino. Hindi nila dapat i-underestimate ang kakayanan ng mga Pilipino na mag-isip ng tama kung ang pangagailangan naman ay natutugunan,” sabi ni Rivera.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?