136

May 25, 2018 @ 8:44
By

Ecowaste: ‘Wag bumili ng school supplies na may nakalalasong kemikal

Ngayong nalalapit na ang simula ng klase sa mga eskwelahan, pinag-iingat ng Ecowaste Coalition ang publiko laban sa pagbili ng school supplies na may taglay na nakalalasong cadmium at lead.

Ginawa ng Ecowaste Coalition ang panawagan matapos matuklasan na may mga ibinebenta pa rin sa merkado na mga school supply na may nakalalasong kemikal na maaring makasama sa kalusugan ng mga estudyante.

Katunayan, nakabili umano sila ng ilang school supplies sa Maynila na nang kanilang suriin ay natuklasang nagtataglay ng mataas na antas ng lead at cadmium na maaaring makasama sa kalusugan ng mga bata.
Gaya na lamang ng ilang brand ng water color at crayon o pangkulay na bagamat matagal na umanong ipinagbabawal ng Food and Drugs Administration (FDA) na ipagbili ay matatagpuan pa rin sa mga pamilihan.

Mayroon din umano silang nabiling kapote at backpack na may tatak na mga cartoon character pero mataas sa antas ng lead at cadmium.

Umapela naman ang EcoWaste Coalition sa mga kinauukulan na kaagad na ipaalis sa merkado ang mga naturang nakalalasong school supplies para hindi malantad dito ang mga estudyante, lalo na ngayong tiyak na dagsa na ang mga mamimili dahil na rin sa nalalapit na pagbabalik-eskwela ng mga bata.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?