11

May 5, 2021 @ 13:26
By

Ecleo balik-bilibid matapos gumaling

Naibalik na sa kanyang piitan sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City si Ruben Ecleo Jr. matapos itong dalhin sa ospital kamakailan dahil sa sakit sa kanyang atay.

Ito ang kinumpirma ni NBP Spokesman Gabriel Chaclag. Ayon sa kanya, tatlong araw at tatlong gabing nanatili sa Dr. Sabili General Hospital sa Taguig ang dating Dinagat Island congressman.

Inihayag din ni Chaclag na nakarekober na sa naturang sakit si Ecleo, na nasentensyahan ng habang buhay na pagkakabilanggo dahil sa pagpatay sa sarili nitong asawa noong 2002.

Si Ecleo ay dinala sa nasabing ospital – bagamat ito ay pribado – sa kadahilanang puno na ang mga pampublikong ospital na malapit sa NBP.

Ayon sa Department of Justice (DOJ) mga malalapit na pampublikong ospital ang dapat pagdalhan sa mga person deprived of liberty (PDL) na nangangailangan ng atensyong medikal. Gayunpaman, papayagan silang dalhin sa isang pribadong ospital kung walang bakante o hindi sapat ang mga kasangkapan sa mga pampublikong pagamutan.

Si Ecleo ay nakilala rin bilang “supreme master” ng kultong Philippine Benevolent Missionaries Association (PBMA).

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?