76

Aug 24, 2021 @ 17:19
By

Early voting para sa senior citizen, PWDs pasado na sa Kamara

Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara de Representantes ang panukalang early voting para sa mga senior citizens at persons with disabilities (PWD).

Nakatanggap ng 196 boto ang House Bill 9562 sa sesyon ng plenaryo ngayong Martes.

Sa ilalim ng panukala, magsasagawa ng nationwide registration ang Commission on Elections (Comelec) para sa mga senior citizen at PWD na nais na bumoto bago ang araw ng eleksyon.

Ang araw ng early voting ay itatakda sa loob ng pitong araw bago ang araw ng eleksyon.

Ang mga hindi magpaparehistro ay maaaring bumoto sa araw mismo ng halalan.

Ikinatuwa ni House Committee on Senior Citizens chairperson Rodolfo Ordanes ang pag-apruba sa panukala.

“Malaking bagay ito para sa seniors at PWDs para hindi na sila makipagsiksikan sa iba pang mga botante sa mismong araw ng halalan dahil papayagan sila makaboto with seven days before election day. I will do my best to convince the Senators to support this bill in their chamber,” sabi ni Ordanes.

Umaasa si Ordanes na agad itong maisasabatas ito at maipatutupad sa 2022 elections.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?