69

Jul 26, 2019 @ 17:28
By

E-channels magpapabilis sa serbisyo ng SSS

Mas mapapabilis pa ng Social Security System (SSS) ang serbisyo nito sa pamamagitan ng digitalization ng kanilang mga pangunahing proseso.

Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Aurora Ignacio, bago pa siya naupo sa posisyon ay nag-umpisa na ang “digitalization” at ang proseso ng pagkakaroon ng mga bagong “digital infrastructure” na makatutulong sa pagsasaayos ng serbisyo para sa mga miyembro at pensyonado.

Nilalayon niya na sa loob ng kanyang termino na mapabilis ang paglipat ng mga proseso ng ahensya sa digitalization.

Sa kasalukuyan, maraming serbisyo ng SSS ang maaaring gawin gamit ang iba’t ibang electronic at self-service facilities gaya ng online na aplikasyon sa pagkuha ng SSS number, pagkuha ng Payment Reference Number, pagsusumite ng employment report, pagsusumite ng contribution list o R-3 at loan collection list o ML-2, aplikasyon ng salary loan, sertipikasyon sa salary loan, gayundin ang pagsusumite ng notipikasyon para sa pagkakasakit at pagbubuntis.

Ang iba’t ibang electronic at self-service channels ng SSS ay ang SSS Website – My.SSS, SSS Mobile App, Self-Service Express Terminal, Interactive Voice Response System at Text-SSS.

Maaari ring gawin sa mga channel na ito ang iba pang mga serbisyo tulad ng pag-aaplay ng retirement claim, pag-request para sa branch appointment, pagtatanong sa lokasyon ng mga sangay ng SSS, pagsusumite ng feedback, pagtatanong ng mga impormasyon ukol sa SSS, pag-eenrol sa PESO fund, pag-eenrol sa flexi-fund at pag-request ng rekord.

Bukod sa mga serbisyong ito, ipinatupad din ng SSS ang Real-Time Posting of Contributions program noong 2018 kung saan ang mga bayad sa kontribusyon ay agarang naitatala sa rekord ng miyembro sa pamamagitan ng PRN.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?