37

Jul 21, 2021 @ 18:53
By

E-bike sumabog, mag-ama sunog

Sunog ang 90% ng katawan ng mag-ama nang sumabog at magliyab ang sinasakyan nilang e-bike sa Zhejiang province sa China nitong weekend.

Kinilala ang mga biktima na si Wei Shunli, at ang walong taong gulang nitong anak na babae.

Binabaybay lang umano ng mag-ama ang isang kalsada sa Hangzhou nang sumabog ang e-bike at magliyab.

Kasunod lamang nila ang asawa ni Wei na si Zhai Xiaojuan at nagmamaneho ng isa pang e-bike. Nagtamo siya ng minor injuries.

Agad na sinaklolohan ng mga miron ang mag-ama at inapula ang apoy.

Bagamat napatay ang apoy sa loob lamang ng isang minuto, malaking bahagi na ng katawan ng mag-ama ang nasunog.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, battery ng kanilang e-bike ang sumabog.

Iniimbestigahan na rin ng mga awtoridad ang manufacturer ng nasabing e-bike.

Samantala, bumuhos naman ang tulong-pinansyal para sa mag-ama, na ngayo’y nasa kritikal na kondisyon sa pagamutan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?