535

Jul 27, 2021 @ 11:09
By

Dyowa, salat na suporta, Oust Duterte matrix: Hidilyn Diaz mabigat pinagdaanan para sa Olympic gold

Para kay Hidilyn Diaz, hindi naging madali ang daan para makamit ang mailap na Olympic gold para sa Pilipinas.

Bago ang 2020 Tokyo Olympics ay samu’t saring kontrobersya ang hinarap ng Olympic weightlifter, kasama na rito ang pangba-bash na natanggap niya sa mismong mga kababayan.

June 2019 nang sumamo ng suporta si Diaz kung saan sinabi nito na hirap na hirap na siya at kailangan ng financial support.

“Is it okay to ask sponsorship sa mga private companies towards Tokyo 2020? Hirap na hirap na ako. I need financial support,” wika ni Hidilyn.

“Sa tingin niyo, okay lang kaya? Nahihiya kasi ako pero try ko kapalan mukha ko para sa minimithi kong pangarap para sa ating bansa na maiuwi ang gold medal sa Olympics.”

Kinontra naman ito ng Philippine Sports Commission (PSC), at sinabing umabot sa P4.5 million ang binuhos nila para kay Hidilyn.

“’Yung suporta ng PSC sa career niya, kompleto lahat. Maybe sa ibang pangangailangan niya, hindi natin alam, pero hindi na dapat sagot ng gobyerno ‘yan,” sambit noon ni PSC chairman Ramon Fernandez.

Hindi pa doon natapos ang gusot ni Diaz sa PSC matapos paratangan ang weightlifter na humihingi ng condo at suweldo para sa kanyang boyfriend.

“She wanted PSC to hire him as her strength and conditioning (S&C) coach with a salary of $1,500 and condo inclusive of utilities at $400 or a total of $1,900/month! “Now, this fella is from Guam named Julius Irvin Naranjo,” ayon sa dating post ni ex-PSC chairman Aparicio Mequi.

“Anyway, PSC didn’t grant this special request of Hidilyn. Hopefully, she will not use this as an excuse if she doesn’t win a medal in the Tokyo 2020 Olympic Games,” giit pa ng dating PSC official.

Ngunit ang pinakamabigat na isyung pinukol kay Hidilyn ay nang idawit ang kanyang pangalan sa ‘Oust Duterte’ matrix na prinesenta ni dating presidential spokesperson at presidential chief legal counsel Salvador Panelo.

Noong May 2019, kasama ang pangalan ng weightlifter sa umano’y matrix na nagpaplano para patalsikin si Pangulong Rodrigo Duterte.

Dito nagsimulang matakot si Hidilyn para sa kanyang buhay.

“Akala ko biro. Pero nang nakapag-isip ako, may takot na rin ako. Hindi dahil sa totoo ang balita, kundi dahil sa seguridad ko at ng pamilya ko,” dating pahayag ni Diaz.

Sa kanyang interview matapos masungkit ang gintong medalya, napatunayan na hindi pa nakakalimutan ni Diaz ang pagkakasama niya sa matrix.

“Sa totoo lang, ang dami kong pinagdaanan. After winning in the Olympics, ang hirap mag-sustain, nagkaroon pa ng matrix, ‘di ba?” ayon kay Hidilyn.

Ngayon ay isa nang ganap na Olympic gold medalist si Diaz, dalawang Olympic record pa ang nagiba sa kabila ng mga pagsubok na pinagdaanan sa kanyang buhay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?